Si Mariang Makiling ay isang dalaga, hindi tumatanda, nakatira sa magandang bundok Makiling sa pagitan ng provincias ng Laguna at Tayabas, subalit walang nakaka-alam kung saan talaga o kung paano siya namamahay. Sabi ng iba, nakatira siya sa isang magandang palacio na napapaligiran ng mga jardin. Ang sabi naman ng iba, nakatira siya sa
isang dukhang dampa na gawa sa karaniwang kawayan at mga dahon ng nipa.

        Matangkad si Mariang Makiling at mahinhin. Ang kutis niya ay makinis, kayumangging kaligatan, sa bigkas ng mga Tagalog. Malaki at itim ang kanyang mga mata, mahaba at makapal ang buhok, at maliliit ang mga kamay at paa, at mala-candela ang mga daliri. Sa madling salita, siya ay maniwaring isang diwata, parang isinilang sa maputlang sinag ng buwan sa ibabaw ng Pilipinas, pasulpot-sulpot sa pagitan ng mga punong kahoy sa gubat ng Makiling. Ang diwa niya ang namamayani sa bundok subalit siya mismo ay bihirang makita ng mga tao.

        Paminsan-minsan, natatanaw siya ng mga mangangahoy (cazadores, hunters) sa dilim ng Viernes Santo (Good Friday), kapag namumundok sila upang humuli ng usa (ciervos, deer). Nakatayo raw si Mariang Makiling sa gilid ng mataas na bangin, walang katinag-tinag habang umaalon ang kanyang buhok sa ihip ng hangin. Kung minsan daw, nilalapitan daw sila, binabati nang tahimik bago lumalayo at naglalaho sa dilim ng gubat. Walang naglalakas-luob na kumausap, sumunod o magmanman man lamang sa kanya.

        Karaniwang lumalabas si Mariang Makiling pagkaraan ng bagyo (borrasca, storm) at lumiligid sa mga bukid, binubuhay muli ang mga nasirang halaman at itinatayo uli ang mga natumbang punong kahoy, at ibinabalik ang dating ayos ng lahat. Pati ang mga ilog ay bumabalik sa kanilang takdang landas at agos. At lahat ng sira mula sa bagyo ay naglalaho sa bawat madaanan niya.

        Mabuti ang kaluoban ni Mariang Makiling. Dati-rati, pinahihiram niya ang mga mahirap ng damit, at pati alahas, para sa mga kasal, binyagan at fiesta. Tanging kapalit na hinihingi niya ay isang puting-puting dumalaga, batang inahen na hindi pa nangingitlog. Paminsan-minsan, lumilitaw siya sa anyo ng isang karaniwang taga-bukid at tinutulungan ang mga matatandang babae sa pagpulot ng mga panggatong (leñas, firewood ). Pagkabigkis at pasan na ng matandang babae ang mga kahoy, isinisingit nang lihim ni Mariang Makiling sa bigkis ang pira-pirasong ginto, barya (monedas, coins), pati mga alahas ( joyas, jewels).

        Minsan, ayon sa cuento, isang mangangahoy ang nakakita ng baboy damo. Kumaripas ang hayop sa mga sukal at tinik ng gubat habang walang tigil na humabol ang lalaki, na nagka-galos-galos sa mga tinik. Biglang-bigla, narating nila ang isang maliit na kubo. Takbo at nagtago ang baboy damo sa luob. Natigilan ang lalaki, lalo na nang lumabas ang isang magandang dalaga.

“Sa akin iyong baboy damo,” sabi ni Mariang Makiling sa lalaki, “at hindi mo dapat hinabol. Subalit nakikita kong ikaw ay pagod na pagod, at sugatan. Pulos dugo ang iyong mga bisig at binti. Halika sa luob, magpahinga ka at kumain. Gagaling ka, tapos maaari ka nang umuwi.”

Napukaw ang lalaki sa alindog ni Mariang Makiling. Pumasok siya sa kubo at, walang imik, kinain lahat ng lugaw na hinain. Masarap at kaiba sa lahat ng natikman niya. Naramdaman niyang napawi ang kanyang hapo, gumaling ang kanyang mga sugat at bumalik ang kanyang lakas. Binigyan siya ni Mariang Makiling ng ilang piraso ng luya (jingibre, ginger).

“Ibigay mo ito sa iyong asawa,” sinabi niya sa lalaki na, utal pa rin, ay yumuko lamang bago umalis. Isinuksok ng lalaki ang mga luya sa luob ng kanyang salakot (sombrero de hoya, palm leaf hat). Habang pauwi, pabigat nang pabigat ang mga luya kaya dinukot niya ang ilang piraso at itinapon. Kinabukasan, nagulat silang mag-asawa nang nakitang kumikinang ang ‘luya’ na naging lantay na ginto (oro puro, pure gold) ang mga ito. Laking hinayang nila sa mga ‘luya’ na naitinapon pauwi.

Hindi laging mabait si Mariang Makiling sa mga mangangahoy. Minsan, pinaparusahan niya ang mga ito.

Isang hapon, 2 mangangahoy ang pauwi mula sa bundok, kasama ang kanilang mga aso at pasan-pasan ang nahuling usa at baboy damo. Nasalubong nila ang isang matandang babae na humingi ng limos. Hindi na binigyan, itinaboy pa nila ang matanda na nagbanta,

“Isusumbong ko kayo sa may-ari niyang mga hayop!”

Humalakhak ang 2 lalaki bago nagpatuloy pauwi. Nakababa na ang araw pagdating nila sa paanan ng bundok at, sa dilim, narinig nila ang sigaw mula sa malayo: “Nanduon sila!”

Sinundan ito ng mas malayong sagot, “Duon sila! Duon!”

Hindi naunawaan ng 2 mangangahoy subalit tumaas ang tenga ng kanilang mga aso, umungol at tumabi sa kanila. Pagkaraan ng ilang saglit, narinig uli nila ang mga sigaw, mas malapit, mula sa gilid ng bundok. Umingit-ngit sa takot ang mga aso, ibinaba ang mga buntot sa pagitan ng mga paa, at kumaripas ng takbo. Tumakbo na rin ang 2 mangangahoy, lalo na nang umalingawngaw uli ang mga sigaw, malapit na malapit na! Sindak sila sa bilis ng mga humahabol!

Umabot ang 2 mangangahoy sa sapang Bakal at, sa takot, binitawan ang dalang usa at baboy damo at umakyat sa isang punong kahoy habang patuloy na tumakas ang mga aso. Sa isang kisap-mata, dumating ang mga humahabol - mga dambuhalang halimaw pala! Sinakmal ng mga ito at kinain ang usa at baboy damo. Ilang minuto lamang, naubos at tumakbo uli ang mga halimaw pabalik sa bundok. Isa sa mga mangangahoy, mas matapang, ay bumaril sa mga halimaw subalit mintis!

Wala kahit isang nakatuklas sa mga magulang ni Mariang Makiling, o kung mayruon siyang mga kapatid o ibang kamag-anak. Ang mga nilalang na tulad niya ay maniwaring lumilitaw na lamang, tulad ng mga bato na tinatawag ng mga Tagalog na “mutya.”

Wala ring naka-alam ng tunay niyang pangalan, basta tinawag na lamang siya ng mga tao na “Maria” dahil karaniwang pangalan ito ng mga Pilipina, at “ng Makiling” dahil duon sa bundok na iyon siya laging nagpapakita. Hindi raw siya pumasok sa kabayanan ( pueblo, town) kahit minsan, o sumali sa anumang pagdiriwang sa simbahan.

Hindi siya nagbago ng anyo. Ang 5 o 6 na anak-anakan ( generations) na nakakita sa kanya, laging sabi ay bata, maliksi at dalisay si Mariang Makiling. Subalit ngayon, marami nang taon na hindi siya nakikita, kahit anino ay hindi na aninaw sa Makiling, kahit na sa liwanag ng buwan. Ngayon, ang mga kasal at iba pang pagdiriwang ay hindi na nakikitaan ng mga alahas ni Maria, wala nang tumatanggap ng handog na yaman.

Naglaho na si Mariang Makiling. Sabi ng iba, kasalanan daw ng mga tao sa kabayanan na ayaw magbayad ng puting dumalaga. Ni hindi raw ibinalik ang mga hiniram na alahas at mga damit.

Subalit sumbong ng iba, nagalit daw si Mariang Makiling dahil tinatangkang agawin ng mga hacenderos ang lupain sa bundukin.